Viral Gastroenteritis (Adulto)

Kadalasang tinatawag na trangkaso ng sikmura ang gastroenteritis. Ngunit wala itong kinalaman sa trangkaso. Kadalasan itong sanhi ng isang virus na nakakaapekto sa sikmura at bituka. Tumatagal ang karamihang pagsumpong nang 2 hanggang 7 araw. Kasama sa mga karaniwang virus na nagdudulot ng gastroenteritis ang norovirus, rotavirus, at hepatitis A. Kasama sa mga hindi virus na nagdudulot ng gastroentiritis ang mga bakterya, parasito, at lason.
Dehydration ang panganib na nagmumula sa paulit-ulit na pagsuka o pagtatae. Nangyayari ito kapag nauubusan ng sobrang daming likido ang katawan. Kapag nangyayari ito, dapat mong palitan ang mga likido ng katawan.
Hindi epektibong paggamot ang mga antibayotiko para sa kondisyong ito dahil idinulot ito ng isang virus.
Maaaring kabilang sa mga sintomas ng gastroenteritis mula sa virus ang:
-
Matutubig, malabnaw na dumi
-
Pananakit ng sikmura o pamumulikat ng tiyan (abdominal)
-
Lagnat at ginaw
-
Pagduduwal at pagsusuka
-
Kawalan ng pagkontrol sa pagdumi
-
Pananakit ng ulo
Pangangalaga sa tahanan
Naikakalat ang gastroenteritis sa pamamagitan ng pagkadikit sa dumi o suka ng isang taong naimpeksiyon. Maaari itong mangyari nang tao sa tao o mula sa pagdikit sa isang kontaminadong ibabaw.
Sundin ang mga tagubilin na ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:
-
Kung matindi ang mga sintomas, magpahinga sa bahay sa susunod na 24 na oras o hanggang sa mas bumuti ang pakiramdam mo.
-
Hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig o gumamit ng sanitizer na gawa sa alkohol upang mapigilan ang pagkalat ng impeksiyon. Hugasan ang iyong mga kamay pagkatapos humawak sa sinumang may sakit.
-
Hugasan ang iyong mga kamay o gumamit ng sanitizer na gawa sa alkohol pagkatapos gumamit ng palikuran at bago kumain. Linisin ang palikuran pagkatapos gamitin.
Tandaan ang mga payong ito kapag naghahanda ng pagkain:
-
Hindi dapat na maghanda o maghain ng pagkain sa iba ang mga taong nagtatae. Kapag naghahanda ng mga pagkain, hugasan ang iyong mga kamay bago at pagkatapos.
-
Hugasan ang iyong mga kamay pagkatapos gamitin ang mga sangkalan, counter top, kutsilyo, o kasangkapan na ginamit sa hilaw na pagkain.
-
Tuyuin ang iyong mga kamay gamit ang isang iisang gamit na maitatapon na tuwalya.
-
Ilayo ang mga hilaw na karne sa mga luto at handa nang kainin na pagkain.
Gamot
Gumamit ng acetaminophen o mga nonsteroidal anti-inflammatory drug (NSAID) tulad ng ibuprofen o naproxen upang makontrol ang lagnat, maliban kung ibinigay ang ibang gamot. Kung ikaw ay matagal nang may sakit sa atay o bato, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa sikmura at bituka. Huwag magbigay ng aspirin sa sinumang wala pang 18 taong gulang na may lagnat. Maaari itong humantong sa isang malalang karamdaman na tinatawag na Reye syndrome na maaaring magdulot ng matinding pinsala sa atay o maging kamatayan. Huwag gumamit ng mga gamot na NSAID kung umiinom ka na ng isang gamot para sa ibang kondisyon (tulad ng arthritis) o umiinom ng aspirin (tulad ng para sa sakit sa puso o pagkatapos ng isang stroke).
Kung niresetahan ng mga gamot para sa pagsusuka o pagtatae, inumin lamang ang mga ito ayon sa itinagubilin. OK sa pangkalahatan ang mga gamot sa pagduduwal at pagtatae maliban kung mayroon kang pagdurugo, lagnat, o matinding pananakit ng tiyan.
Diyeta
Sundin ang mga alituntuning ito sa pagkain:
-
Mahahalaga ang tubig at mga likido para hindi ka mawalan ng tubig sa katawan. Madalas na uminom ng kaunting dami ng inumin o sumipsip ng mga chip ng yelo ayon sa ipinahihintulot kung nagsusuka ka.
-
Kung kakain ka, iwasan ang matataba, mamantika, maaanghang, o pritong pagkain.
-
Huwag kumain ng mga produktong gawa sa gatas kung nagtatae ka. Maaari nitong palalain ang pagtatae.
-
Iwasan ang tabako, alak, at caffeine. Maaaring palalain ng mga ito ang mga sintomas.
Sa panahon ng unang 24 na oras (ang unang isang buong araw), sundin ang diyeta sa ibaba:
-
Mga inumin. Sumipsip ng mga sports drink, soft drinks na walang caffeine; salabat, mineral water (wala o mayroong flavor), decaffeinated na tsaa at kape. Kung nawalan ka ng sobrang tubig sa katawan, hindi magandang pagpipilian ang mga sports drink. Mayroong masyadong maraming asukal ang mga ito at walang sapat na electrolyte. Sa ganitong kaso, gumamit ng mga produktong tinatawag na oral rehydration solution. Mabibili mo ang mga ito sa mga botika at tindahan ng grocery.
-
Mga sabaw. Kumain ng malinaw na sabaw, consommé, at bouillon.
-
Mga panghimagas. Kumain ng gelatin, mga ice pop, at mga bar na fruit juice.
Sa loob ng susunod na 24 na oras (sa ikalawang araw), maaari mong idagdag ang sumusunod sa nasa itaas:
-
Mainit na cereal, plain toast, tinapay, rolls, at crackers
-
Plain noodles, kanin, dinurog na patatas, chicken noodle o rice soup
-
Hindi matamis na de-latang prutas (iwasan ang pinya), mga saging
-
Limitahan ang pagkain ng taba sa mas kaunti sa 15 gramo kada araw. Gawin ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa margarina, mantikilya, mga langis, mayonnaise, mga sarsa, mga gravy, mga pritong pagkain, peanut butter, karne, manok, at isda.
-
Limitahan ang fiber at iwasan ang mga hilaw o nilutong gulay, sariwang prutas (maliban sa mga saging), at mga bran cereal.
-
Limitahan ang caffeine at tsokolate. Huwag gumamit ng mga pampalasa maliban sa asin.
-
Limitahan ang mga produktong gawa sa gatas.
-
Iwasan ang alak.
Sa loob ng susunod na 24 na oras:
-
Dahan-dahang ipagpatuloy ang normal na diyeta habang gumagaan ang iyong pakiramdam at bumubuti ang iyong mga sintomas.
-
Kung muling magsimulang lumala ang iyong mga sintomas sa anumang oras, bumalik sa malilinaw na likido hanggang sa bumiti ang iyong pakiramdam.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo. Tumawag sa iyong tagapangalaga kung hindi ka bumubuti sa loob ng 24 na oras o tumagal ang pagtatae nang higit sa ilang araw. Mahalaga ring mag-follow up kung hindi mo kayang mapababa ang mga likido, na maaaring humantong sa pagiging kulang sa tubig ng katawan. Kung kumuha ng isang sampol ng dumi (pagtatae), tumawag para sa mga resulta ayon sa itinagubilin.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung nangyari ang alinman sa mga ito:
-
Hirap sa paghinga
-
Pananakit ng dibdib
-
Nalilito
-
Matinding pagkaantok o hirap gumising
-
Pagkahimatay o pagkawala ng ulirat
-
Mabilis na pintig ng puso
-
Kumbulsyon
-
Paninigas ng leeg
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Pananakit ng tiyan na lumulubha
-
Patuloy na pagsusuka (hindi mapababa ang mga likido)
-
Madalas na pagtatae (mahigit sa 5 beses sa isang araw)
-
Dugo sa suka o dumi (kulay itim o pula)
-
Maitim na ihi, nabawasang inilalabas na ihi, o matinding pagkauhaw
-
Panghihina o pagkahilo
-
Pagkaantok
-
Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga
-
Bagong pantal